MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN

          Tayong mga Pilipino ay likas na mahilig manood ng mga pelikula lalo na sa panahon ngayon kung saan napakalawak  ng sakop ng midya sa ating pang araw-araw na pamumuhay. Tila ba’y nakagawian na nating abangan ang mga ipapalabas  na pelikula sa mga sinehan. Aminin niyo man o hindi, batid ko na mas maraming Pilipino ang tumatangkilik sa mga pelikulang dayuhan at maging ako ay isa rin dito. Talaga ngang napakalaki ng naidulot sa ating pag-iisip ng pananakop ng mga dayuhan at kahit tayo’y malaya na sa kanilang mga mapanlupig na kamay, patuloy pa rin nating iniisip na mas maganda at kahanga-hanga ang mga bagay na kanilang nilikha. Nagpatuloy ako sa pagtangkilik sa mga pelikula na likha ng mga dayuhan, marami na rin akong kinabaliwan sa mga ito, pero hindi ko mawari kung bakit parang may kulang. Hindi ko mawari kung bakit tila wala nang gaanong kasiyahan ang aking nakakamit nang nagtagal ang panahon na patuloy ako sa panunuod ng mga pelikulang ito.
           Kaya nga ako’y labis na nalulugod nang mamulat ang aking puso’t isipan sa katotohanan na wala pa ring tatalo sa likhang Pilipino. Simula noon, binuksan ko ang aking sarili sa mga pelikulang gawa mismo ng aking mga kababayan. Dito ko napagtanto na mas dapat kong tangkilikin ang likhang Pinoy dahil mayroon itong kakaibang katangian na tiyak na pupukaw hindi lamang sa iyong atensiyon kundi pati na rin sa iyong isipan. Bawat pelikulang Pilipino na aking napapanood ay hindi ko malimot dahil lahat ito ay dinala ako sa ibang dimensyon. Lahat ng ito ay tumatak talaga sa akin. Malapit ang aking puso sa mga “Indie films”. Ito ay mga pelikulang “independent” at walang kumpanyang nag-aasikaso sa produksiyon  nito. Ang paglikha sa mga ito ay mura at hindi gaanong magastos, hindi tulad sa mga pelikula na ginagawa ng mga sikat na kumpanya. Pero mayroon pa rin namang mga “Major films” na aking sobrang nagustuhan. Nais kong  ibahagi ang mga pelikulang  ito sa inyo. Sana’y inyong magustuhan at sana’y makiisa rin kayo sa pagtangkilik at pagsuporta sa lahat ng pelikulang Pilipino.

MGA PELIKULANG PILIPINO NA TUMATAK SA AKIN



HENERAL LUNA
           Sabi nga nila, kung hindi mo pa napapanood ang pelikulang ito ay hindi kumpleto ang karanasan mo sa pelikulang Pilipino. Kung sa tingin niyo ay nakababagot ang “Heneral Luna”, diyan kayo nagkakamali. Ito ay isang napakagaling na pagsasabuhay ng mga nangyari sa ating nakaraan. Ang direktor nito ay si direk Jerrold Tarog. Ito ay pinangungunahan nina John Arcilla bilang Heneral Antonio Luna, Mon Confiado bilang Pangulong Emilio Aguinaldo, Nonie Buencamino bilang Felipe Buencamino, Leo Martinez bilang Pedro Paterno at iba pang mga primyadong actor.
           Ang kwento ay umiikot sa panahon kung saan dumating ang mga Amerikano sa bansang Pilipinas. Pinag-iisipan ng lupon ng pangulo kung ano nga ba ang aksiyon na dapat nilang gawin tungkol sa isyu ng pagdating ng mga grupo ng dayuhan na maaaring magdala ng panibagong banta ng pananakop sa ating bansa. Sina Felipe Buencamino at Pedro Paterno ay sumusuporta at sumasang-ayon sa ideya na wala namang dapat ikabahala ang Pilipinas sa pagdating ng mga Amerikano dahil maaari pa raw nila tayong matulungan upang tayo’y  umunlad. Sa kabilang dako, si Heneral Antonio Luna at ang kanyang kasamahan na si Heneral Jose Alejandrino ay hindi sumasang-ayon dito at nais nilang kalabanin ang mga Amerikano sa paraan ng pakikipagdigma. Hindi naman sumang-ayon dito si Emilio Aguinaldo dahil kanyang inisip na maari silang tulungan ng mga Amerikano upang  tuluyan nang makalaya mula sa pananakop at pang-aapi ng mga Espanyol. Ngunit, kabaliktaran ang nangyari, ang mga dayuhang Amerikano ay umatake sa mga pangunahing lungsod ng Maynila. Ito na ang naging mitsa at simula ng pakikidigma nina Heneral Luna.
           Ngunit tila may mas malaking kalaban na hinaharap ang heneral at ito ay hindi ang mga Amerikano kundi ang mga kapwa niya Pilipino mismo na kasama niya sa pakikidigma. Sa mga panahong kinailangan niya ng tulong mula sa kanyang mga kasama tulad noong siya’y humihingi ng mas marami pang sundalo para sa kanilang pakikipaglaban sa grupo ni MacArthur, hindi siya pinahintulutan ni Pedro Janolino na siyang namumuno sa Kawit battalion noong mga panahong iyon. Wika niya, ang utos mismo mula sa pangulo ang kayang susundin at hindi ang kay Heneral Luna. Nang ipakulong  rin ni Luna sina Buencamino at Paterno dahil sa pagsuporta nila sa mga kalaban, nakalaya lamang ang mga ito. Dito na pinanghinaan ng loob ang heneral kaya naisip niyang magbitaw na lamang sa kanyang pwesto dahil batid niya na mayroong sumasabutahe at kumakalaban sa kanya sa loob mismo ng kanilang samahan. Ngunit ang kanyang pagbibitaw sa pwesto ay hindi pinahintulutan ni Emilio Aguinaldo.
           Nagpatuloy siya sa pagsisilbi sa inang bayan hangang makatanggap siya ng telegrama  na nagsasabing ipinatatawag siya ng presidente at inaatasan na pumunta sa Cabanatuan upang makausap ito. Nang siya’y makarating, doon niya napagtanto na nakaalis na pala si Aguinaldo at si Buencamino na lamang ang naiwan doon. Dito na sila nagkaroon ng pagtatalo at ginawa na ng grupo ni Buencamino ang kanilang planong pagpatay kay Heneral Luna.
           Halos nasabi ko na yung buong kwento, pasenya na ha? Ganoon kasi talaga ito kaganda kaya hindi ko maiwasan na sabihin kung gaano ako nabighani at nadala sa kwentong laman ng “Heneral Luna”. Panoorin niyo pa rin sana ito dahil mas marami kayong malalaman kapag kayo mismo ang nakasaksi nito.Nang mapanood ko ang pelikulang ito, labis na nagbago ang pagtingin ko sa mga taong pinaniwalaan ko na nagsalba sa Pilipinas. Hindi ko rin maiwasang magtanong at mag-isip kung totoo nga ba ang mga pangyayaring ito. Kung totoo man, sino nga ba ang nasa likod ng pagpatay kay Heneral Luna? Isang napakalaking “roller coaster ride” ang pelikulang ito. Dito mo rin maiisip na noon pa man ay mayroon na talagang nagaganap na hidwaan sa mga namumuno ng ating bansa nang dahil lamang sa pagka uhaw sa kapangyarihan. Lubos ang aking pagsaludo sa mga taong lumikha ng obra-maestrang ito.



HELE SA HIWAGANG HAPIS
           Noong una, natakot ako sa pamagat ng pelikulang ito. Kung mapapakinggan mo, tila’y nakakakilabot naman talaga hindi ba? Ngunit ang mas nakapag kumbinsi sa akin na panoorin ang pelikulang ito ay ang napakahabang oras ng panonood nito. Humigit-kumulang walong oras ang tagal ng “Hele Sa Hiwagang Hapis”. Ang direktor ng pelikulang ito ay si direk Lav Diaz. Pinagbibidahan ito nina Hazel Orencio bilang Gregoria De Jesus, Alessandra de Rossi bilang  Caesaria Belarmino, Piolo Pascual bilang Crisostomo Ibarra, John Lloyd Cruz  bilang Simoun, at iba pa.
           Kung mapapansin niyo sa mga tauhan, ang pelikulang ito ay tungkol rin sa kasaysayan. Mayroong dalawang kwento na ipinakita dito. Una ay tungkol sa paghahanap ni Gregoria De Jesus sa mga nawawalang katawan nina Andres Bonifacio at ng kapatid niya na si Procopio. Ang pangalawang kwento naman ay tungkol sa paglalakbay ni Crisostomo Ibarra at Simoun. Ito ay pelikula na mayroong pinaghalong paksa na tungkol sa kasaysayan at imahinasyon. Dito niyo matutuklasan ang mga pangyayari noong panahon nina Bonifacio at dito niyo matutunghayan ang pagsasabuhay sa mga tauhan ng sikat na akda ni Jose Rizal na pinamagatang “El Filibusterismo” na kaugnay ng isa niya pang akda na ang “Noli Me Tangere”.
           At dahil napakahaba ng pelikulang ito, sayang naman siguro ang panahong ginugol ko sa panonood nito kung sasabihin ko lang sa inyo ang buong takbo ng kwento. Huwag kayong mag-alala, tinitiyak ko na hindi masasayang ang walong oras niyo. Halu-halo ang mararamdaman niyo, naroon ang kaba, takot, galit, at kung anu-ano pa. Ang payo ko lamang ay ihanda niyo ang inyong mga sarili. Sa aking karanasan, talagang pakiramdam ko ay naroon mismo ako sa panahong ipinakikita sa pelikula. Ganoon kaganda ang “Hele Sa Hiwagang Hapis”. Bago ko makalimutan, siguraduhin niyo rin na mayroon kayong kasama sa panunuod nito.Tinitiyak ko na pagkatapos niyo itong mapanood ay labis kayong matutuwa hindi lang dahil natapos at kinaya niyong panoorin ang pelikulang ito sa loob ng walong napakahabang oras kundi napakarami niyong napulot na aral mula dito.



THY WOMB
          Kung inyong naaalala, ang “Thy Womb” ay nakasama sa Metro Manila Film Festival (MMFF) noong tanong 2012. Ang direktor nito ay si direk Brillante Mendoza. Pinangungunahan ito nina Nora Aunor na gumanap bilang Shaleha na isang Muslim at si Bembol Roco na kanya namang asawa. Ang pelikulang ito ay nagkaroon  ng kontrobersiya nang tanggalin ito sa listahan ng mga opisyal na kalahok sa MMFF, ngunit kahit ganoon ang nangyari, tumanggap pa rin ito ng maraming pagkilala mula sa mga tanyag na “film awarding bodies”.
           Ang kwento nito ay umiikot kay Shaleha na isang kumadrona sa isang islang Badjao-Muslim. Siya at ang kanyang asawa na si Bangas-An ay mayroong hinaharap na malaking problema dahil si Shaleha ay hindi nakapagdadalang-tao na siyang nagdudulot naman ng labis na kalungkutan sa kanyang asawa. Dahil dito, kahit labag man sa loob ni Shaleha ay nagdesisyon siya na maghanap ng babaeng maaaring makapagbigay ng anak sa kanyang asawa o isang “surrogate mother” dahil ayaw naman ni Bangas-An na mag-ampon na lamang ng bata. Ngunit dahil nasa Muslim silang komunidad ay hindi basta-basta ang desisyon na kanilang gagawin. Marami silang dapat isipin tulad ng “dowry” o ang pera o yaman na ibibigay ng lalaki sa pamilya ng babae bilang pagpapakita ng pagpapasalamat at pagrespeto, at dahil nga mahirap lamang sila, napakaraming pinagdaanan ni Shaleha para lamang makahanap ng sapat na pera para sa dowry na kanilang ibibigay.
           Nang mapanood namin ito, sobra akong naawa sa karakter ni Nora Aunor. Hindi ko lubos maisip kung paano niya nakayang ipaubaya ang asawa niya sa iba para lamang mabigyan ito ng anak at sumaya ito. Napakalaking sakripisyo ang kanyang ginawa. Nasabi ko nga sa sarili ko na ganoon talaga siguro kapag nagmamahal, kahit ano gagawin mo para lang sa ikasasaya ng taong mahal mo  kahit ang ibig-sabihin pa nito ay pagsasakripisyo ng sarili mong kasiyahan. Napakataas ng pagsaludo ko kay Nora Aunor at sa karakter niya mismo. Simple man ang istorya, labis naman itong nabigyan ng hustisya ng mga nagsiganap na mga aktor at aktres.



HINULID
           Ang pelikulang ito ay kinunan mismo sa aming bayan- ang bayan ng Buhi sa Bicol. Naroon pa nga mismo ako sa lugar kung saan kinunan ang eksena sa simbahan ng St. Francis of Assisi Parish, nagkataon kasi na mayroon kaming pasok noong mga panahong iyon at katabi lamang ng simbahan ang aming paaralan kaya natunghayan namin ang eksena doon. Talagang inabangan ko na ang indie film na ito na likha ni Kristian Sendon Cordero na kapwa ko Bikolano at pinagbibidahan ni Nora Aunor na isa ring Bikolana. Ang kanilang pagtatambal ay aming ikinatuwa dahil ito’y isa na namang makasaysayang pagkakataon para sa aming mga Bikolano upang makilala sa industriya ng pelikula.
           Para sa akin ay napakalungkot ng pelikulang ito. Hango mismo ang pamagat na ito sa “Hinulid”, ito ang tawag sa patay na imahen ni Hesus. Oo, tama kayo, ang pelikulang ito ay tungkol sa kamatayan. Tungkol ito kay Sita Dimaiwat na isang overseas Filipino worker (OFW). Napilitan siyang umuwi ng Pilipinas dahil sa pagkamatay ng kanyang anak na si Lukas dahil sa isang insidente sa Maynila. Umuwi siya ng Bicol na dala-dala ang abo ng kanyang yumaong anak. Sa paglalakbay niya pabalik sa Bicol, lahat ng alaala nila ang kasama ring umaagos sa puso at isip ni Sita.
           Sa pelikulang ito, matutunghayan niyo kung paano naghirap si Sita sa pagtanggap sa kapalaran ng kaniyang anak kahit pa nais niyang sisisihin ang Diyos dahil sa pagkawala nito. Ganoon nga talaga siguro, walang katumbas ang sakit na mararamdaman mo kapag nawalan ka ng mahal sa buhay. Minsan darating ka rin sa punto na sisisihin mo ang Diyos at mawawalan ka ng paniniwala sa Kanya. Dahil sa “Hinulid”, mas napagtanto ko na ang buhay ay puno ng pasakit at paghihirap ngunit hindi ito dahilan para sumuko ka na lang at mawalan ng tiwala sa Diyos. Masakit pero kailangan nating tanggapin ang mga bagay na sumira sa ating mga puso dahil sa paraang ito, mas magkakaroon tayo ng pagkakataon na hanapin ang sarili natin at mas magiging matatag tayo at ang ating paniniwala.



MA' ROSA
           Isa ito sa mga pelikulang Pilipino na lubos kong hinangaan. Hindi lamang dahil napakagagaling ng mga artista na nagsipagganap dito kun’di dahil napakatugma ng istorya nito sa nararanasang kahirapan ng mga Pilipino ngayon. Ang direktor ng “Ma’ Rosa” ay si direk Brillante Mendoza at pinangungunahan naman nina Jaclyn Jose bilang Rosa Reyes, Julio Diaz bilang Nestor Reyes, Andi Eigenmann bilang Raquel Reyes at iba pa.
           Ang kwento nito ay sumesentro sa pamilya nina Rosa na larawan ng isang tipikal na pamilyang Pilipino. Sila’y nagdurusa din dahil sa kahirapan dito sa ating bansa. Dahil na rin dito ay napilitan ang mag-asawang Rosa at Nestor na magbenta ng droga na tinatawag na “ice” o “crystal meth”. Sa kasamaang palad, nahuli sila ng mga pulis at ikinulong.
           Buong pag-aakala ko nga ay sina Rosa ang masama dahil nagbebenta sila ng ipinagbabawal ng gamot, mali pala ako. Sa pelikulang ito ay ipinakita ang tunay na sitwasyon ng mga tao na nahuhuling nagbebenta  ng droga. Ang mga pulis ay nagbigay sa kanila ng dalawang pagpipilian, una ay dapat silang magbigay sa mga ito ng pera na nagkakahalaga ng dalawang-daang libong piso at kung hindi nila ito maibibigay ay tuluyan na silang makukulong at kailanma’y hindi na maaaring magpiyansa, pangalawa naman ay tutulungan nila ang mga pulis at ituturo ang “supplier” nila ng droga upang iyon na lamang ang hingian ng mga pulis ng pera para makalaya sina Rosa sa pagkakapiit.
           Sobrang galit ang naramdaman ko noong pinanood ko ang pelikulang ito. Nagalit ako sa mga mapagsamantala at mapang-abusong mga pulis dito sa ating bansa. Naawa ako sa tatlong anak nila Rosa dahil hindi na sila magkanda-ugaga para lamang makahanap ng pera para pampiyansa ng kanilang mga magulang kaya’t dumating na lang sa punto na kumapit na sila sa patalim. Nanlulumo ako dahil alam ko na totoo itong nangyayari sa ating bansa at tila wala man lang tayong nagagawa para masolusyunan ito.



PATAY NA SI HESUS
           Pamagat pa lang, nakakaintriga na hindi ba? Kaya naman agad kong pinanood ang pelikulang ito. Unang naisip ko ay tungkol ito sa relihiyon dahil nga ang pamagat ay “Patay Na Si Hesus”. Sa mga ganoong paksa kasi ay labis akong nagbibigay ng atensiyon dahil ako’y talagang naniniwala na may Diyos. Akala ko nga ay iikot ang kwento nito sa mga taong hindi naniniwala sa Diyos. Mali pala ako.
           Ang direktor nito ay si Victor Villanueva. Pinagbibidahan naman ito ni Jaclyn Jose bilang Maria Fatima o “Iyay”. Ang kwento nito ay umiikot sa pamilya ni Iyay. Siya ay mayroong tatlong anak. Ang pinakamatandang anak niya na si Hubert ay mayroong Down Syndrome. Ang pangalawa naman niyang anak na si Judith Marie ay isang tomboy o “trans man”. Ang bunso naman ay si Jay na wala pa ring trabaho dahil hindi pa nakapapasa sa “board exams”. Kung titingnan niyo ay hindi tipikal ang pamilya ni Iyay. Nang malaman nila na namatay ang kanyang asawa na si Hesus na matagal na silang pinabayaan ay pinilit niya ang kanyang tatlong anak na pumunta sa burol nito mula Cebu hanggang Dumaguete. Labag man sa loob ng kanyang mga anak, pumunta pa rin sila. Sakay ng maliit na kotse, sama-sama silang naglakbay patungong Dumaguete. Dito na nagsimula ang nakakatuwa nilang biyahe. Sobra akong bumilib sa karakter ni Iyay dahil napakabuti niyang ina at kahit magulo ang kanyang pamilya dahil nga iniwan sila ng kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay kakaiba rin, nagawa pa rin niyang maging mapagmahal na ina sa mga ito. Halos sumakit na nga ang tiyan ko sa katatawa habang pinanonood ang pelikulang ito. Napakagaling talaga ni Jaclyn Jose pati na rin ang mga kasama niya sa pelikulang ito. Hindi ko babanggitin ang nangyari sa biyahe nila dahil nais ko na panoorin niyo mismo ito. Isa ito sa mga paborito kong indie film at tinitiyak ko sa inyo na napakasulit ng oras kapag napanood niyo ito basta’t ihanda niyo lang ang inyong mga sarili sa walang humpay na tawanan.



THE TRIAL
           Napakagaling – iyan ang masasabi ko sa pelikulang ito. Ang direktor nito ay si Chito S. Rono. Ang “The Trial” ay pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz bilang Ronald (dalampu’t siyam na taong gulang na medyo kulang-kulang sa pag-iisip), Richard Gomez bilang Julian (isang abogado at asawa ni Amanda), Gretchen Barretto bilang Amanda (isang “psychologist”), Jessy Mendiola bilang Bessy (isang guro at tutor ni Ronald), at marami pang iba. Marami na siguro sa inyo ang nakapanood nito.
           Sa pelikulang ito, inakusahan si Ronald na kanya raw hinalay ang kanyang guro na si Bessy. Lingid sa kaalaman ng lahat, hindi naman ito ginawa ni Ronald dahil ginusto ito ni Bessy sa kadahilanang mayroon silang nararamdaman para sa isa’t isa. Kaya lang, pinalabas ni Bessy na panghahalay ang ginawa ni Ronald dahil mayroong estudyante na nakakuha ng” video” ng ginagawa nila ni Ronald sa isang liblib na silid sa kanilang paaralan. Ayaw ni Bessy na masira ang kanyang repustasyon bilang isang respetadong guro kaya sinabi niya na hinalay siya ng kulang-kulang na si Ronald. Buti na lamang at tinulungan si Ronald nina Amanda at asawa nitong si Julian. Para sa akin, doon talaga ako kinabahan sa paglilitis dahil akala ko’y mahahatulan na si Ronald dahil idinidiin na siya ng kanyang sariling abogado na si Julian. 
           Nanggagalaiti na ako sa galit dahil hindi ko maintindihan kung ano ang nasa isip ni Julian at kanya itong ginagawa. Sobra akong naawa kay Ronald dahil alam ko na wala naman talaga siyang kasalanan ngunit siya’y hinuhushagan dahil nga siya’y kulang-kulang at kung iisipin ay malaki ang posibilidad na ginawa niya ang krimen na ipinararatang sa kanya. Nang malapit nang matapos ang paglilitis, doon ko lamang napagtanto ang tunay na layunin ni Julian kung bakit niya ginawa ang pagdidiin kay Ronald sa harap mismo ng hukom. Hindi ko na sasabihin ang nangyari sa katapusan dahil nais ko na kayo mismo ang umalam. Kung hindi niyo pa ito napapanood, huwag na kayong mga-aksaya ng oras at inyo na itong panoorin. Maiiyak kayo, magagalit, matutuwa... basta, halu-halo ang emosyon na naramdaman ko sa pelikulang ito at isa ito sa mga pelikulang hindi ko malilimutan.



STAR NA SI VAN DAMME STALLONE
           Napakakakaiba rin ng pamagat ng pelikulang ito kaya sinubukan ko rin itong panoorin noong nakaraang Pista ng Pelikulang Pilipino. Ang direktor nito ay si Randolph Longjas. Pinagbibidahan ito nina Paolo Pingol bilang Van Damme Stallone (isa talaga siyang bata na may Down Syndrome at kung naaalala niyo ay siya ang bata na bumida sa isang McDonald’s commercial) at si Candy Pangilinan bilang Nadia Zamora (nanay ni Van Damme).
           Para sa akin, natatangi ang pelikulang ito dahil umiikot ito sa kwento ng isang bata na may Down Syndrome na may pangarap na maging isang “action star”. Dito niyo matutunghayan ang hirap na pinagdadaanan ng isang magulang sa pagtanggap ng sitwasyon ng kanyang anak na mayroong ganitong kapansan pero siyempre sa huli ay matatanggap at mamahalin niya ito. Ganoon kabusilak ang pagmamahal ng isang ina. Sa buong ikot ng pelikula, hindi ko naiwasang maiyak dahi makikita mo talaga ang hirap na dinaranas ng pamilya ni Nadia para lang mapunan ang mga espesyal na pangangailangan ni Van Damme. Natunghayan ko rin dito ang pagsasakripisyo ng kanyang nakatatandang kapatid para ipagtanggol siya sa mapanghusgang mundo na kanilang ginagalawan. Napaka epektibo ng pelikulang ito sa pagmulat sa kaisipan ng lahat. Dito mo maiintindihan na hindi  madali ang sitwasyon ng batang may Down Syndrome at ng kanyang pamilya. Dahil dito nasusubok ang katatagan nila sa harap ng pagsubok na kanilang pinagdadaanan. Sa huli, masaya pa rin ang kinahantungan ng pelikulang ito. Kaya panoorin niyo ang “Star Na Si Van Damme Stallone” upang mabighani din kayo sa mensaheng dala nito.



KITA-KITA
           Siyempre hindi ito mawawala sa listahan ng mga paborito ko. Noong una, wala naman talaga akong balak na panoorin ito pero dahil na rin sa pamimilit ng aking kaibigan ay pinanood na namin ang “Kita-Kita”. Ang direktor nito ay si Sigrid Andrea Bernardo at pinagbibidahan ito nina Alessandra De Rossi bilang Lea at  Empoy Marquez bilang Tonyo.
           Umikot ang kwento kay Lea na isang “tourist guide” sa Sapporo (isang bayan sa Japan). Mayroon siyang kasintahan dito ngunit kalaunan ay naghiwalay rin sila dahil sa pangbababae nito. Doon na nagsimulang magkagulo ang buhay ni Lea. Siya ay nagkaroon ng “temporary blindness” dahil sa sobrang “stress”.  Tila ba’y suko na siya sa buhay at nawalan na rin ng pag-asa na sumaya. Doon na pumasok si Tonyo sa kwento. Siya ang makulit na kababayan ni Lea mula Pilipinas. Pilit niyang pinasasaya si Lea at pinakita niya rito na hindi pa nagtatapos ang kasiyahan ng buhay dahil lamang sa problemang kanyang hinaharap.
           Napakagaan lamang ng pelikulang ito. Natunghayan ko dito na napakagaling talaga ng kapangyarihan ng pag-ibig. Wala naman kasi ‘yan sa panglabas na anyo o sa kapansanan. Sabi nga nila, kapag mahal mo, dapat tanggap mo kung ano man siya.Sa huling bahagi ng kwento, hindi ko rin naiwasang malungkot dahil hindi pala talaga lahat ng kwento ay may “happy ending”. Ngunit kahit ganito man, ang kwento nina Tonyo at Lea ay patunay na ang wagas na pag-ibig ay mananatili pa rin sa iyong puso. Kahit paghiwalayin man kayo ng kamatayan, mananatili pa rin ang inyong mga masasayang alaala.



JUST THE THREE OF US
           Ito ay pelikula na patungkol sa “unwanted pregnancy”. Oo, tama ang pagkakabasa niyo. Gayunpaman, hindi ito yaong tipo ng pelikula na mabigat sa pakiramdam dahil isa itong “Romance-Comedy film”. Ang direktor nito ay si Cathy Garcia Molina. Pinagbibidahan ito nina John Llyod Cruz bilang Uno Abusado na isang piloto at nagsisikap na maging “captain pilot” sa isang “airline company” at si Jennylyn Mercado na isa namang “aspiring flight attendant”.
           Napakalaki ng kanilang pagkakaiba. Si Uno ay isang lalaki na kung tawagin ay “happy-go-lucky”. Wala siyang balak na pumasok sa mga bagay na magbibigay sa kanya ng mga malalaking responsibilad dahil ang kanyang tanging pangarap lamang ay ang maging isang “captain pilot”. Si CJ naman ay ang “breadwinner” ng kanyang pamilya, siya ang inaasahan ng mga ito upang sila’y makaahon sa kahirapan ngunit lahat ng ito ay nagbago nang magkaroon ng isang hindi inaasahang pangyayari sa buhay ni nina CJ at Uno.
           Ang dalawa ay nagkaroon ng “one-night stand” sa isang “bar”. Dahil dito nabuntis si CJ at siya’y natigil sa kanyang pagsasanay na maging isang “flight attendant” na labis na ikinalungkot ng kanyang pamilya. Nagkagulo rin ang buhay ni Uno dahil napilitan siyang patirahin at alagaan si CJ sa kanyang bahay dahil siya ang ama ng batang ipanagbubuntis nito. Ang dami nilang pinagdaanan na away, saya, at lungkot pero nakakatuwa pa rin na sa kabila ng kanilang pagkakaiba ay natutuan nilang mahalin at tanggapin ang isa’t isa. Muntikan man silang maghiwalay nang tuluyan ay nagawa pa rin nilang ayusin ang problema para sa kapakanan ng kanilang magiging anak.
           Sa pelikulang ito, ipinakita talaga ang realidad na madalas tayong magkamali dahil lamang sa panandaliang saya na tiyak na magkakaroon ng malaking epekto sa ating mga buhay. Kahit ganito man, dapat ay matuto tayong tanggapin ang ating responsibilad at dapat nating panagutan ang mga desisyon na ating ginawa.

           Sana’y natuwa kayo sa inyong mga nabasa. Muli, hinihikayat ko kayo na manood ng pelikulang Pilipino. Suportahan natin ang sariling atin! Mabuhay ang mga pelikulang Pilipino!















Comments

Post a Comment